DepEd - Division of Dapitan City Logo
Home › Media › Division News › 4 na PDL ng Dapitan City Jail, nagtapos ng JHS sa pamamagitan ng ALS

4 na PDL ng Dapitan City Jail, nagtapos ng JHS sa pamamagitan ng ALS
June 27, 2025| by: Johann Andrei A. Ladera

Malaki ang pasasalamat ng apat na Persons Deprived of Liberty (PDL) mula sa Dapitan City Jail matapos silang makapagtapos sa Junior High School ngayong araw, Hunyo 27, sa pamamagitan ng Alternative Learning System (ALS) ng Kagawaran ng Edukasyon – Sangay ng Lungsod ng Dapitan.

“Ako ay nagpapasalamat sa mga BJMP personnel at sa aming Jail Warden na si Sir Allan Mantos kasi hindi kami tinanggalan ng karapatan para makuha namin ang aming minimithing diploma, bagkus sila pa mismo ang nag-udyok sa amin na mag-aral pang muli,” pahayag ng isang PDL sa kanyang testimonya.

Nagpaabot rin siya ng kanilang pasasalamat sa mga ALS teachers ng DepEd Dapitan na walang sawang nagtuturo at gumagabay sa mga PDL learners sa loob ng piitan.

“Kahit kaunti lang kami, patuloy pa rin silang pumupunta rito para turuan kami,” dagdag pa niya.

Ibinahagi rin ng PDL na habang nasa labas pa siya ay hindi niya kailanman naisipang bumalik sa pag-aaral, lalo na at may-edad na siya.

“Sabi ng pamilya ko, subukan ko lang daw. Wala namang mawawala. Kaya’t nag-enroll ako sa ALS,” kwento niya.

Aniya, malaki ang naitulong ng ALS sa kanya: natuto siyang magsulat, magbasa, at gumamit ng kompyuter.

Hindi niya namalayan na ang mga taon ay lumipas na at ngayo’y nakapagtapos na siya, hindi lang ng elementarya kundi maging ng junior high school, kasama ang iba pang kapwa PDL.

“Hindi pa talaga huli ang lahat, na kahit nakakulong ang isang tao at kahit may edad na, ay pwede pa ring makamtam at makamit ang inaasam-asam na diploma,” aniya.

Lubos din ang pasasalamat ng mga nagtapos sa kanilang mga pamilya at sa lahat ng dumalo upang saksihan ang kanilang pagtatapos.

Buong suporta naman ang ibinibigay ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at ng DepEd Dapitan City sa patuloy na pagpapatupad ng Alternative Learning System sa Dapitan City Jail, patunay na ang edukasyon ay para sa lahat, anuman ang kalagayan sa buhay.

Share